News & Updates

BAGONG WHEEL LOADER NG PAMAHALAANG BAYAN DUMATING NA

Napakalaking tulong at madaling maipatutupad ang mga nakahanay na mga proyektong pang-imprastruktura sa pagkakakaroon ng bagong ekwipo (heavy equipment) ng pamahalaang bayan. Ang nasabing ekwipo ay binili ng pamahalaan noong nakaraang Disyembre sa bansang Singapore.

Sa una pa lamang buwan ng panunungkulan ng ating Punong Bayan Gaudioso R. Manalo ay kaagad niyang pinulong ang mga Punong Barangay at hinimok niya na bumili ang pamahalaang bayan ng 1 bagong wheel loader na magagamit sa pag-sasaayos ng mga daang pambarangay. Kaagad na sinang-ayunan ng lahat na Punong Barangay ang panukala ng ating Punong Bayan at ang panukala ay ipinaloob sa 20% na Pondong Pangkaunlaran para sa taong 2013.

Matatandaang ang mga ekwipong dating ginagamit ng pamahalaang bayan sa mga gawaing pang-imprastruktura ay halos lahat ay di na mapakinabangan simula pa noong ikalawang bahagi ng taong 2013. Minarapat ng kasalukuyang mga nanunungkulan na huwag na itong ipagawa sa dahilang napakalaki na ng mga pinsala ng mga nasabing ekwipo at napakalaking halaga ang gugugulin sa pag-sasaayos nito. Kaya nga sa pag-pupulong ng Pambayang Lupon sa Pag-papaunlad sa pangunguna ng ating Punong Bayan ay naglaan sila ng mahigit Limang Milyong Pisong pondo para sa bagong ekwipo na tutugon sa mga pangangailangan ng barangay. Ang nabanggit na planong pangkaunlaran ay kaagad na sinang-ayunan ng mga bumubuo ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ng Pang. Punong Bayan Renato M. Perez, DMD.

Kamakailan nga lamang ay dumating na ang wheel loader sa ating bayan. Nagkaroon ng pagbabasbas dito noong nakaraang Marso 31 na pinangunahan ni Reb. Padre Benny A. Aguila kasama ang mga opisyales ng pamahalaang bayan at mga Punong Barangay sa pangunguna ni Kgg. Gaudioso R. Manalo, Punong Bayan, Pang. Punong Bayan Renato M. Perez, DMD, at ABC President Nicasio M. Dueñas.

Inaasahang may mga bago pa muling ekwipo ang itataguyod ng ating pamahalaan nang sa gayon ay patuloy na maisakatuparan ang mga pagawaing bayan na nakapaloob sa “ten point agenda” ng ating Punong Bayan at inaasahang ito’y lubos na makatutulong sa pag-unlad ng bayan sa larangan ng kaunlarang pangkabuhayan ng ating mga mamamayan.

PROYEKTONG ARTIFICIAL CORAL REEF inilunsad

Mapalad ang ating bayan ng Lobo at kabilang ang ating baybaying dagat sa Verde Island Passage (VIP) na tinatawag na sentro ng “Marine Shorefish Biodiversity” sa buong mundo ayon sa pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa. Bagaman at masasabi nating sagana sa korales ang ating baybaying dagat ay may mga sanktuwaryo (fish sanctuary and refuge) tayong pinangangalagaan katulad ng mga sanktuwaryong matatagpuan sa barangay Biga, Malabrigo, Sawang at Olo-Olo.

Pagpasok pa lamang ng unang buwan sa panunungkulan ng ating masigasig at masipag na Punong Bayan Gaudioso R. Manalo ay iminungkahi niya na ipaloob sa 20% na Pondong Pangkaunlaran ng ating bayan ang paglalagay ng pondo na halagang Limandaang Libong Piso (P500,000.00), upang gugulin sa proyektong “Artificial Coral Reef.” Ang proyektong ito ay kapaloob sa kanyang 10 Point Agenda hinggil sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng ating mga mga kababayan partikular na ang sektor ng pangisdaan.

Bago matapos ang taong 2013 ay naisagawa ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ang pagsasagawa ng artifical coral reef (fabrication of artifical coral reef) na yari sa kongkreto at bakal. Mahigit na dalawang libong pirasong coral reef ang natapos gawin mula sa nasabing pondo. Kaya nitong nakaraang Pebrero 2 ay isinagawa ang pag-lulunsad nito sa barangay Soloc bilang demo-site ng nasabing proyekto. Pinangunahan ito ng ating Punong Bayan Gaudioso R. Manalo, Pangalawang  Punong Bayan Renato M. Perez, DMD at iba pang opisyales ng pamahalaang bayan. Katulong din ng pamahalaang bayan ang mga miyembro ng bantay dagat at iba pang NGOs.

Ang proyektong ito ay naglalayong mapaunlad at madagdagan ang natitirang tirahan at pangitlugan ng mga isda at iba pang yamang dagat. Ito ay magsisilbing karagdagang lugar para pangisdaan ng ating mga mamamayan sa pamamagitan ng “spill over” ng mga isda mula rito. Ang mga ito ay ilalagay sa pamamagitan ng paghuhulog sa mga ito sa dagat at isasaayos sa pamamagitan ng pag-papatong patong sa mga ito sa hugis na “Pyramid”. Ang mga ito ay ilalagay sa mga lugar na walang coral reefs at sea grass beds nang sa gayon ay magsisilbing panimulang tirahan at pangitlugan ng mga isda at iba pang yamang dagat.

Ang mga ito ay tutubuan ng mga organismo at lumot na  siyang magiging pagkain ng mga maliliit na isda. Magiging kanlungan at tirahan nila ang mga ito at magsisilbing proteksyion din nila ito laban sa mga malalaking isda na kumakain sa kanila at sang-ayon pa rin sa pagsasaliksik ay nagiging kanlungan din ito ng mga maliliit na mga “pelagic” na isda tulad ng tulingan at galunggong na karaniwang makikita sa laot.

Nakatutulong din ang mga ito sa pagkabawas ng sand dune erosion dahil sa ang mga konkretong kagamitang ginamit dito ay humahadlang sa mga malalakas na alon. At ang isa sa mga positibong resulta ng proyektong ito ay ang seguridad ng ating mga kababayan sa patuloy na suplay ng mga isda at iba pang yamang dagat sa dahilang ang mga ito ang nagiging alternatibong tirahan ng mga organismong kinakain ng mga ito.

Ang ganitong proyekto ay isasagawa rin sa siyam pang barangay na nasa baybaying dagat upang lubos na maisakatuparan ng pamahalaan ang layunin nitong mapaunlad ang kabuhayan ng ating mga kababayang nasa baybaying dagat.

PAG-PAPAILAW SA LOBO BRIDGE II at sa iba pang lugar ng bayan sinimulan

Muling nagliwanag ang kahabaan ng Lobo Bridge II simula pa noong nakaraang Disyembre 2013.  Ito’y dahilan sa muling pagkakabit ng mga bagong poste ng ilaw na minarapat ng kasalukuyang administrasyon na ang disenyo ay matataas na poste at mas maliliwanag na ilaw ang ikabit dito nang sa gayon ay mas malaking bahagi ng liwanag ang maibigay ng mga ito.

Bahagi ang proyektong ito ng programang may kaugnayan sa kaayusan at katahimikan (Peace and Order) ng ating bayan. Ang halaga ng proyektong ginugol dito ay mula sa Pondong Pangkaunlaran (20% Development Fund) ng ating bayan ay inaasahang makatutulong ng malaki sa katahimikan at kaayusan ng ating bayan partikular na sa bahaging ito ng ating bayan na nag-uugnay sa Barangay Poblacion at sa walong barangay na nasa baybayin ng Verde Island Passage na karamihan sa mga ito ay mga potensyal na “tourist destinations”.

Sa kasalukuyan ay sinisimulan na ring isakatuparan ang pag-papailaw sa ilang bahagi ng barangay Poblacion. Tulad ng naunang proyekto hinggil sa elektripikasyon, ang pondo nito ay kapaloob sa pondong pang-kaunlaran ng ating bayan para sa taong 2014. Inumpisahan ang implementasyon nito nitong buwan ng Marso upang maihabol sa pag-diriwang ng mga Mahal na Araw at nang nalalapit na pagdiriwang ng Pistang Bayan alay sa mahal na Patrong San Miguel Arkanghel sa darating na Mayo 8. Ang nasabing proyekto ay sa bahagi ng P. Burgos St. hanggang harapan ng Lobo Elementary School at sa bahagi ng Mabini St. patungong Lobo Bridge II.

Inaasahang sa susunod na taon ay madaragdagan pa ang mga proyektong katulad nito nang sa gayon ay lubos na maisakatuparan ng pamahalaang bayan ang layunin nito na mapaunlad ang ating bayan lalo’t higit ang sektor na panlipunan, partikular na ang programang may kaugnayan sa kaayusan at katahimikan ng ating bayan.

HIGIT 400M MGA PROYEKTONG PANGKAUNLARAN AT PANGKABUHAYAN

Malaking kaginhawahan hindi lamang sa panlipunang kaunlaran kundi pati na rin sa kaunlarang pang-kabuhayan ang tatamasahin ng ating mga kababayan kapag natapos na ang kasalukuyang pagbubukas at pagsasaayos ng daang Nasyunal na mag-uugnay sa bayan ng San Juan at Lobo.

 

      Ang proyektong nabanggit na may kabuuang halaga nga 350 Milyong Piso ay sinimulang isakatuparan ngayong taong ito. Ang proyekto ay sinimulan sa barangay Hugom ng San Juan patungong Sitio Kamantigue ng barangay Biga sa Bayan ng Lobo, patuloy na mag-uugnay sa mga baybaying barangay ng Lobo at Lungsod ng Batangas.           

     Sang-ayon sa Tagapangasiwa ng ating Bayan na si G. Virgilio R. Manalo, ang halagang 50 Milyon ng nasabing proyekto ay naisakatuparan na. Dahil sa patuloy na pagpupunyagi ng ating masipag na Punong Bayan, Kgg. GAUDIOSO R. MANALO, ang 100 Milyong Pisong halaga ng proyekto ay kasalukuyang ipinatutupad at ang 200 Milyong halagang karagdagang pondo sa nabanggit na proyekto ay nakapaloob sa 2014 na Pangkalahatang Badyet ng Pamahalaang Nasyunal. Inaasahang bago matapos ang taong 2015 ay lubos na maisasakatuparan ang proyektong ito at inaasahang magdudulot ng kaginhawahan sa ating mga kababayan, hindi lamang sa sektor na panlipunan kundi pati na rin sa sektor na pangkabuhayan.           

     Sa kabilang dako, malaking halaga rin ng mga proyektong pangkaunlaran ang kasalukuyang nakahanay na ipatupad dito sa ating bayan sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways. Ang mga ito ay ang Construction ng Slope Protection sa mga gumuhong bahagi ng National Road simula barangay San Miguel patungong Poblacion. Ang mga proyektong nabanggit ay nagkakahalaga ng 33 Milyong Piso. Kabilang din sa mga ipatutupad ang tulay na mag-uugnay sa barangay Sawang at Soloc. Ito ay nagkakahalaga ng 20 Milyong Piso. Matatandaang ang mga lugar na nabanggit ang mga apektadong lugar nang bagyong Ofel noong 2012. Ilang bahagi ng daang nasyunal patungong Batangas City ang nagkaroon ng landslide pati na rin ang pagkawasak ng spillway sa ilog ng Sawang at Soloc.           

     Isa rin sa mga binigyang pansin ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalawak ng programa sa pangisdaan. Sa katunayan, ngayong taong ito ay may naipatupad na proyektong “Construction of Artificial Coral Reef” sa barangay Soloc na nagkakahalaga ng P600,000.00, mula sa 20% na Pondong Pangkaunlaran ng ating bayan. Naglaan din ng 1Milyong badyet para sa kaparehong pondo sa susunod na taon.  Bukod pa rito, ang Rotary Club ng Makati-Legaspi, sa pamamagitan ng kanilang Pangulo at ating kababayang si Engr. Raffy P. Ramirez, ay may pangakong laang 1.7 Milyong Piso.           

     Sa larangan ng  pagpapalawak ng program sa transportasyon,  may nakalaan ding pondo ang Pamahalaang Nasyunal para sa pag-sasaayos at rehabilitasyon ng Pier sa barangay Banalo. Ito ay nagkakahalaga ng 20 Milyong Piso at tulad ng mga proyektong nakahanay ay isasakatuparan ito sa lalong madaling panahon.         

     Matatandaang sa simula pa lamang ng panunungkulan ng kasalukuyan nating Punong Bayan Kgg. Gaudioso R. Manalo, at sa pamamagitan ng mga Resolusyong pinagtibay ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ng Pang. Punong Bayan Renato M. Perez, DMD, kaagad niyang isinumite ang mga nabanggit na resolusyon sa Senado at iba pang mga ahensya. Hindi siya tumitigil ng paglapit hindi lamang sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan kundi pati na din sa iba’t-ibang NGOs at sa ngayon ay natutugunan na ang kanyang pagsusumikap na makapagpatupad ng mga kapaki-pakinabang na proyekto sa ating bayan.

            Ang mga proyektong ito ay hudyat ng patuloy na kaunlarang tatamasahin ng ating mga kababayan at sa patuloy na pagbuhos ng pondo para sa mga ganitong gawain, tuwirang maipagmamalaki natin na ang ating mga MAMAMAYAN ANG PANALO.

Huwarang Pamilyang Batangueno 2013

  • TINANGHAL NA “HUWARANG PAMILYANG BATANGUENO 2013”, NAGMULA SA BAYAN NG LOBO
  • (Pamilya ni Maj Leonardo M Ramos, kasama ang butihing Gobernadora Kgg. Vilma Santos-Recto, Mayor Gaudioso R. Manalo at bumubuo ng Huwarang Pamilyang Batangueno Foundation sa awarding ceremony ng Huwarang Pamilyang Batangueno 2013)
  •             “Tunay na sa bawat Pamilyang Batangueno ay may natatanging kabutihan at pagpapala”. Taun-taon, tuwing sasapit ang buwan ng Oktubre ay ipinagdiriwang ang Taon ng Huwarang Pamilyang Batangueno  at tampok dito ang pagpili ng magiging representante mula sa bawat bayan-bayang sakop ng Lalawigan. Layunin nito ang mabigyang parangal ang mga pamilyang may mabubuting halimbawa at natatanging kaugalian sa paghubog ng kanilang mga pamilya.
  •             Ang bayan ng Lobo, sa pangunguna ng butihing Punong Bayan at pakikipagtulungan ng Tanggapan ng Panlipunang Paglilingkod at Pagpapaunlad (MSWD) ay  tumutugon sa ganitong magandang opurtunidad, kung saan ay tunay na pumipili na ang batayan ay ang sukatan na itinalaga ng Samahan ng Pamilyang Batangueno sa Lalawigan ng Batangas.
  •             Sa nagdaang apat na taong sunod-sunod na pakikilahok ng bayan ng Lobo, umuuwing masaya ang lahat sa pagkakamit bilang RUNNER-UP, at ngayong taong ito, Nobyembre 29, 2013 sa  ginanap na awarding ng Huwarang Pamilyang Batangueno  nasungkit ng kalahok mula sa BAYAN NG LOBO ang UNANG PUWESTO at tinanghal na “Huwarang Pamilyang Batangueno 2013”  sa katauhan ng PAMILYA ng namayapang Ex-Mayor Maj. LEONARDO M RAMOS (Ret) mula sa Barangay Banalo.
  •             Napuspos ng saya at pag-patak ng mga luha ang buong pamilyang ito ng tawagin sa entablado. Anila, walang hanggang pasasalamat sa Diyos sa tagumpay nilang ito, alay at utang na loob din nila sa kanilang mahal na asawa at magulang na namayapa kaylan lang, Oktubre ng taong ito. “Tanging nasambit ng lahat, salamat Tatay…., alam naming kapiling na kayo ng Diyos at masaya kayo sa tagumpay nating ito”.
  •             Maging ang Punong Bayan Kgg. Gaudioso R. Manalo at Puno ng MSWD Gng. Ethel B. Adoyo na naging saksi sa nabanggit na pag gawad ng gantimpala ay hindi rin naitago ang pagluha sa tuwa at pag-ala-ala na sanay kasama ang ama ng pamilya.
  • Karangalan nating kilalanin ang bawat miyembro ng pamilya:
  • Maj Leonardo M Ramos (Ret)           -Retired Major, Ex-Mayor & Administrator, Municipality of Lobo
  • Gloria Ramos                                       -Retired Public School Teacher
  • Maj Cheryl M Ramos MAC                   Major, Chief Admin. & Personnel Officer V. Luna General Hospital AFP Medical Center
  • Glenda Ramos- Guico                        Assist. Reg. Officer, Mun. Gov‘t. of Lobo
  • Armyn Ramos-Calangi, R.N.               Chief Nurse, Lobo District Hospital, Lobo, Batangas
  • Rizza Ramos-Gonzales                     Prof., Batangas State University, Lobo Campus
  • Rev. Fr. Dakila Ramos        Assistant Parish Priest, St. Mary Euphrasia   Parish, Batangas City
  • Maricel Ramos-Moises                      Senior Admin. Assistant III – Municipal Gov. of Lobo
  • Lovely Ramos-Ebora                          Nurse, Lobo Municipal Hospital
  •  
  •                 Sa inyong tagumpay na natamo….saludo ang bayan ng Lobo…..Mabuhay ang LAHAT NG PAMILYANG BATANGUENO