BAGONG WHEEL LOADER NG PAMAHALAANG BAYAN DUMATING NA

Napakalaking tulong at madaling maipatutupad ang mga nakahanay na mga proyektong pang-imprastruktura sa pagkakakaroon ng bagong ekwipo (heavy equipment) ng pamahalaang bayan. Ang nasabing ekwipo ay binili ng pamahalaan noong nakaraang Disyembre sa bansang Singapore.

Sa una pa lamang buwan ng panunungkulan ng ating Punong Bayan Gaudioso R. Manalo ay kaagad niyang pinulong ang mga Punong Barangay at hinimok niya na bumili ang pamahalaang bayan ng 1 bagong wheel loader na magagamit sa pag-sasaayos ng mga daang pambarangay. Kaagad na sinang-ayunan ng lahat na Punong Barangay ang panukala ng ating Punong Bayan at ang panukala ay ipinaloob sa 20% na Pondong Pangkaunlaran para sa taong 2013.

Matatandaang ang mga ekwipong dating ginagamit ng pamahalaang bayan sa mga gawaing pang-imprastruktura ay halos lahat ay di na mapakinabangan simula pa noong ikalawang bahagi ng taong 2013. Minarapat ng kasalukuyang mga nanunungkulan na huwag na itong ipagawa sa dahilang napakalaki na ng mga pinsala ng mga nasabing ekwipo at napakalaking halaga ang gugugulin sa pag-sasaayos nito. Kaya nga sa pag-pupulong ng Pambayang Lupon sa Pag-papaunlad sa pangunguna ng ating Punong Bayan ay naglaan sila ng mahigit Limang Milyong Pisong pondo para sa bagong ekwipo na tutugon sa mga pangangailangan ng barangay. Ang nabanggit na planong pangkaunlaran ay kaagad na sinang-ayunan ng mga bumubuo ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ng Pang. Punong Bayan Renato M. Perez, DMD.

Kamakailan nga lamang ay dumating na ang wheel loader sa ating bayan. Nagkaroon ng pagbabasbas dito noong nakaraang Marso 31 na pinangunahan ni Reb. Padre Benny A. Aguila kasama ang mga opisyales ng pamahalaang bayan at mga Punong Barangay sa pangunguna ni Kgg. Gaudioso R. Manalo, Punong Bayan, Pang. Punong Bayan Renato M. Perez, DMD, at ABC President Nicasio M. Dueñas.

Inaasahang may mga bago pa muling ekwipo ang itataguyod ng ating pamahalaan nang sa gayon ay patuloy na maisakatuparan ang mga pagawaing bayan na nakapaloob sa “ten point agenda” ng ating Punong Bayan at inaasahang ito’y lubos na makatutulong sa pag-unlad ng bayan sa larangan ng kaunlarang pangkabuhayan ng ating mga mamamayan.