PROYEKTONG ARTIFICIAL CORAL REEF inilunsad

Mapalad ang ating bayan ng Lobo at kabilang ang ating baybaying dagat sa Verde Island Passage (VIP) na tinatawag na sentro ng “Marine Shorefish Biodiversity” sa buong mundo ayon sa pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa. Bagaman at masasabi nating sagana sa korales ang ating baybaying dagat ay may mga sanktuwaryo (fish sanctuary and refuge) tayong pinangangalagaan katulad ng mga sanktuwaryong matatagpuan sa barangay Biga, Malabrigo, Sawang at Olo-Olo.

Pagpasok pa lamang ng unang buwan sa panunungkulan ng ating masigasig at masipag na Punong Bayan Gaudioso R. Manalo ay iminungkahi niya na ipaloob sa 20% na Pondong Pangkaunlaran ng ating bayan ang paglalagay ng pondo na halagang Limandaang Libong Piso (P500,000.00), upang gugulin sa proyektong “Artificial Coral Reef.” Ang proyektong ito ay kapaloob sa kanyang 10 Point Agenda hinggil sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng ating mga mga kababayan partikular na ang sektor ng pangisdaan.

Bago matapos ang taong 2013 ay naisagawa ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ang pagsasagawa ng artifical coral reef (fabrication of artifical coral reef) na yari sa kongkreto at bakal. Mahigit na dalawang libong pirasong coral reef ang natapos gawin mula sa nasabing pondo. Kaya nitong nakaraang Pebrero 2 ay isinagawa ang pag-lulunsad nito sa barangay Soloc bilang demo-site ng nasabing proyekto. Pinangunahan ito ng ating Punong Bayan Gaudioso R. Manalo, Pangalawang  Punong Bayan Renato M. Perez, DMD at iba pang opisyales ng pamahalaang bayan. Katulong din ng pamahalaang bayan ang mga miyembro ng bantay dagat at iba pang NGOs.

Ang proyektong ito ay naglalayong mapaunlad at madagdagan ang natitirang tirahan at pangitlugan ng mga isda at iba pang yamang dagat. Ito ay magsisilbing karagdagang lugar para pangisdaan ng ating mga mamamayan sa pamamagitan ng “spill over” ng mga isda mula rito. Ang mga ito ay ilalagay sa pamamagitan ng paghuhulog sa mga ito sa dagat at isasaayos sa pamamagitan ng pag-papatong patong sa mga ito sa hugis na “Pyramid”. Ang mga ito ay ilalagay sa mga lugar na walang coral reefs at sea grass beds nang sa gayon ay magsisilbing panimulang tirahan at pangitlugan ng mga isda at iba pang yamang dagat.

Ang mga ito ay tutubuan ng mga organismo at lumot na  siyang magiging pagkain ng mga maliliit na isda. Magiging kanlungan at tirahan nila ang mga ito at magsisilbing proteksyion din nila ito laban sa mga malalaking isda na kumakain sa kanila at sang-ayon pa rin sa pagsasaliksik ay nagiging kanlungan din ito ng mga maliliit na mga “pelagic” na isda tulad ng tulingan at galunggong na karaniwang makikita sa laot.

Nakatutulong din ang mga ito sa pagkabawas ng sand dune erosion dahil sa ang mga konkretong kagamitang ginamit dito ay humahadlang sa mga malalakas na alon. At ang isa sa mga positibong resulta ng proyektong ito ay ang seguridad ng ating mga kababayan sa patuloy na suplay ng mga isda at iba pang yamang dagat sa dahilang ang mga ito ang nagiging alternatibong tirahan ng mga organismong kinakain ng mga ito.

Ang ganitong proyekto ay isasagawa rin sa siyam pang barangay na nasa baybaying dagat upang lubos na maisakatuparan ng pamahalaan ang layunin nitong mapaunlad ang kabuhayan ng ating mga kababayang nasa baybaying dagat.