PAG-PAPAILAW SA LOBO BRIDGE II at sa iba pang lugar ng bayan sinimulan

Muling nagliwanag ang kahabaan ng Lobo Bridge II simula pa noong nakaraang Disyembre 2013.  Ito’y dahilan sa muling pagkakabit ng mga bagong poste ng ilaw na minarapat ng kasalukuyang administrasyon na ang disenyo ay matataas na poste at mas maliliwanag na ilaw ang ikabit dito nang sa gayon ay mas malaking bahagi ng liwanag ang maibigay ng mga ito.

Bahagi ang proyektong ito ng programang may kaugnayan sa kaayusan at katahimikan (Peace and Order) ng ating bayan. Ang halaga ng proyektong ginugol dito ay mula sa Pondong Pangkaunlaran (20% Development Fund) ng ating bayan ay inaasahang makatutulong ng malaki sa katahimikan at kaayusan ng ating bayan partikular na sa bahaging ito ng ating bayan na nag-uugnay sa Barangay Poblacion at sa walong barangay na nasa baybayin ng Verde Island Passage na karamihan sa mga ito ay mga potensyal na “tourist destinations”.

Sa kasalukuyan ay sinisimulan na ring isakatuparan ang pag-papailaw sa ilang bahagi ng barangay Poblacion. Tulad ng naunang proyekto hinggil sa elektripikasyon, ang pondo nito ay kapaloob sa pondong pang-kaunlaran ng ating bayan para sa taong 2014. Inumpisahan ang implementasyon nito nitong buwan ng Marso upang maihabol sa pag-diriwang ng mga Mahal na Araw at nang nalalapit na pagdiriwang ng Pistang Bayan alay sa mahal na Patrong San Miguel Arkanghel sa darating na Mayo 8. Ang nasabing proyekto ay sa bahagi ng P. Burgos St. hanggang harapan ng Lobo Elementary School at sa bahagi ng Mabini St. patungong Lobo Bridge II.

Inaasahang sa susunod na taon ay madaragdagan pa ang mga proyektong katulad nito nang sa gayon ay lubos na maisakatuparan ng pamahalaang bayan ang layunin nito na mapaunlad ang ating bayan lalo’t higit ang sektor na panlipunan, partikular na ang programang may kaugnayan sa kaayusan at katahimikan ng ating bayan.