HIGIT 400M MGA PROYEKTONG PANGKAUNLARAN AT PANGKABUHAYAN

Malaking kaginhawahan hindi lamang sa panlipunang kaunlaran kundi pati na rin sa kaunlarang pang-kabuhayan ang tatamasahin ng ating mga kababayan kapag natapos na ang kasalukuyang pagbubukas at pagsasaayos ng daang Nasyunal na mag-uugnay sa bayan ng San Juan at Lobo.

 

      Ang proyektong nabanggit na may kabuuang halaga nga 350 Milyong Piso ay sinimulang isakatuparan ngayong taong ito. Ang proyekto ay sinimulan sa barangay Hugom ng San Juan patungong Sitio Kamantigue ng barangay Biga sa Bayan ng Lobo, patuloy na mag-uugnay sa mga baybaying barangay ng Lobo at Lungsod ng Batangas.           

     Sang-ayon sa Tagapangasiwa ng ating Bayan na si G. Virgilio R. Manalo, ang halagang 50 Milyon ng nasabing proyekto ay naisakatuparan na. Dahil sa patuloy na pagpupunyagi ng ating masipag na Punong Bayan, Kgg. GAUDIOSO R. MANALO, ang 100 Milyong Pisong halaga ng proyekto ay kasalukuyang ipinatutupad at ang 200 Milyong halagang karagdagang pondo sa nabanggit na proyekto ay nakapaloob sa 2014 na Pangkalahatang Badyet ng Pamahalaang Nasyunal. Inaasahang bago matapos ang taong 2015 ay lubos na maisasakatuparan ang proyektong ito at inaasahang magdudulot ng kaginhawahan sa ating mga kababayan, hindi lamang sa sektor na panlipunan kundi pati na rin sa sektor na pangkabuhayan.           

     Sa kabilang dako, malaking halaga rin ng mga proyektong pangkaunlaran ang kasalukuyang nakahanay na ipatupad dito sa ating bayan sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways. Ang mga ito ay ang Construction ng Slope Protection sa mga gumuhong bahagi ng National Road simula barangay San Miguel patungong Poblacion. Ang mga proyektong nabanggit ay nagkakahalaga ng 33 Milyong Piso. Kabilang din sa mga ipatutupad ang tulay na mag-uugnay sa barangay Sawang at Soloc. Ito ay nagkakahalaga ng 20 Milyong Piso. Matatandaang ang mga lugar na nabanggit ang mga apektadong lugar nang bagyong Ofel noong 2012. Ilang bahagi ng daang nasyunal patungong Batangas City ang nagkaroon ng landslide pati na rin ang pagkawasak ng spillway sa ilog ng Sawang at Soloc.           

     Isa rin sa mga binigyang pansin ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalawak ng programa sa pangisdaan. Sa katunayan, ngayong taong ito ay may naipatupad na proyektong “Construction of Artificial Coral Reef” sa barangay Soloc na nagkakahalaga ng P600,000.00, mula sa 20% na Pondong Pangkaunlaran ng ating bayan. Naglaan din ng 1Milyong badyet para sa kaparehong pondo sa susunod na taon.  Bukod pa rito, ang Rotary Club ng Makati-Legaspi, sa pamamagitan ng kanilang Pangulo at ating kababayang si Engr. Raffy P. Ramirez, ay may pangakong laang 1.7 Milyong Piso.           

     Sa larangan ng  pagpapalawak ng program sa transportasyon,  may nakalaan ding pondo ang Pamahalaang Nasyunal para sa pag-sasaayos at rehabilitasyon ng Pier sa barangay Banalo. Ito ay nagkakahalaga ng 20 Milyong Piso at tulad ng mga proyektong nakahanay ay isasakatuparan ito sa lalong madaling panahon.         

     Matatandaang sa simula pa lamang ng panunungkulan ng kasalukuyan nating Punong Bayan Kgg. Gaudioso R. Manalo, at sa pamamagitan ng mga Resolusyong pinagtibay ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ng Pang. Punong Bayan Renato M. Perez, DMD, kaagad niyang isinumite ang mga nabanggit na resolusyon sa Senado at iba pang mga ahensya. Hindi siya tumitigil ng paglapit hindi lamang sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan kundi pati na din sa iba’t-ibang NGOs at sa ngayon ay natutugunan na ang kanyang pagsusumikap na makapagpatupad ng mga kapaki-pakinabang na proyekto sa ating bayan.

            Ang mga proyektong ito ay hudyat ng patuloy na kaunlarang tatamasahin ng ating mga kababayan at sa patuloy na pagbuhos ng pondo para sa mga ganitong gawain, tuwirang maipagmamalaki natin na ang ating mga MAMAMAYAN ANG PANALO.