Anihan Festival 2013

 

  • Ngayong taon ay muling ginanap ang Anihan Festival — at muling nanumbalik ang saya at kaba ng mga kalahok sa patimpalak na ito bata man o di gaanong bata pati na ng mga magulang at manonood.
  •             Sabay sa pagbuhos ng ulan, bumuhos ang dagsa dagsang mga tao na maaga pa man ay nagpupumilit nang pumasok sa Plaza. Di iniinda ang ulan, pagod at puyat, ipinakita ng mga mag-aaral ng iba’t ibang elementarya sa Lobo ang likas nilang galing sa pagsayaw at pag galaw. Bawat isang paaralan ay di rin patatalo sa pagka-malikhain ng mga makukulay na costume o kasuotan na yari sa mga indigenous materials.
  • Ang mga napiling hurado o panel of judges ay nagmula pa kung saan-saan at marami sa kanila ay batikan na sa ganitong mga patimpalak.
  •             Ang mga naging punong abala sa kompetisyon sa sayaw at costume ay sina Gng. Julita Ilagan (DepED District Supervisor) bilang Chairman at si Bb. Rosie Egea (Municipal Agriculturist) bilang Vice Chairman. Kasama nila ang mga miyembro ng mga komitiba ng Munisipyo at ng DepED. Ang lahat ay nagbahagi ng kanilang oras at pagod upang mapag handaan ang Anihan Festival 2013.
  •             Maayos ang naging daloy ng kompetisyon at ang mga nanalo sa Best Dance Performance ay ang San Miguel Elementary School, Lobo Central School, at ang Malapad na Parang Elementary School. Sila ay nakatanggap ng premyong P20,000.00 sa First Place, P17,000.00 sa Second Place at P15,000.00 sa Third Place.
  •             Sa Best Costume naman ang mga nanalo ay ang Lobo Central School, Soloc Elementary School, at ang Malapad na Parang Elementary School. Sila rin ay nakatanggap ng premyong P20,000.00 sa First Place, P17,000.00 sa Second Place at P15,000.00 sa Third Place.
  •             Nagbahagi ng kanyang mga obserbasyon si Ginoong Philip Baroja, ang hurado na syang naghayag ng mga nanalo sa Best Dance Performance. At dahil dito, mas lalong gaganda ang mga presentasyon ng bawat eskwelahang kasaling muli sa Setyembre sa isang taon. Kasabay nito, ang mga magiging pagbabago sa mga sayaw at kasuotan.
  • Sa palagay ng marami, mas lalong magiging kabang-abang ang Anihan Festival sa 2014!
  •